Natagpuan ko ang aking sarili sa ilalim ng dagat. Hindi ko matanaw ang lalim nito. Pinilit kong lumangoy tungo sa ibabaw, ngunit sa bawat kumpas at galaw ay lalo akong lumulubog. Sumuko na lamang ako, at hinayaan kong lamunin ako ng kailaliman ng dagat. Doon ako nagising. Dumating nanamang muli ang umaga. Ang init ng araw ay dumadaplis na sa aking mga paa. Napabuntong-hininga ako habang bumabangon at sinuot ko ang aking mga tsinelas. Tila hiwalay ako sa katawang ito ngunit ang alam ko na lahat ng mayroon ako noon ay naglaho nang walang anu-ano. Nilisan ko ang aking kwarto at hinayaan ko nang tumakbo ang daloy ng buhay: naligo, kumain, nag-ayos, naghanda na para sa pagpasok sa paaralan. Kinuha ko ang aking mga gamit at lumabas na sa bahay tungo sa eskuwela. ...