Bangungot



           Natagpuan ko ang aking sarili sa ilalim ng dagat. Hindi ko matanaw ang lalim nito. Pinilit kong lumangoy tungo sa ibabaw, ngunit sa bawat kumpas at galaw ay lalo akong lumulubog. Sumuko na lamang ako, at hinayaan kong lamunin ako ng kailaliman ng dagat.

              Doon ako nagising.

            Dumating nanamang muli ang umaga. Ang init ng araw ay dumadaplis na sa aking mga paa. Napabuntong-hininga ako habang bumabangon at sinuot ko ang aking mga tsinelas. Tila hiwalay ako sa katawang ito ngunit ang alam ko na lahat ng mayroon ako noon ay naglaho nang walang anu-ano. Nilisan ko ang aking kwarto at hinayaan ko nang tumakbo ang daloy ng buhay: naligo, kumain, nag-ayos, naghanda na para sa pagpasok sa paaralan. Kinuha ko ang aking mga gamit at lumabas na sa bahay tungo sa eskuwela.

            Habang naglalakad, sunod-sunod na tanong ang sumagi sa aking isipan. Isa nanaman ba itong araw ng paghahangad; paghahangad ng pagbabagong hindi matatamo? Pag-aasam  ng kabatiran ng buhay? Napagtanto ko na lamang na isa akong tao na hindi mawari kung saan tutungo, tulad ng isang multo.

            Parang panaginip lamang ang lahat.

            Hindi.
           
            Isa pala itong bangungot.

            Sa aking pagninilay, hindi ko napansin ang oras. Nahuli ako sa aking klase at napagalitan sa harap. Pagkatapos, tumakbo na ulit ang oras. at muli akong nakalimutan ng lahat.

            Nang dumating na ang oras ng tanghalian, mag-isa akong nakaupo sa sahig ng pinakaitaas na palapag ng paaralan. Tahimik doon at walang ibang tao.

            Sa gitna ng katahimikan, narinig ko ang isang pamilyar na boses na tumawag sa aking pangalan. Bumigat ang aking puso. Dumating si Bruno kasama ang kanyang barkada. Nais nanaman niyang kunin ang pera ko.

            Tumangi ako.

            Dahil doon ay sinapak ako ni Bruno sa kanang pisngi. Pagkatumba ko ay pinagsisipa ako ng dalawa niyang kasamahan. Sa aking pagnanais na protektahan ang aking sarili, tumayo ako at nasuntok ko sa mukha ang isa sa mga naninipa sa akin. Nanahimik sila sa gulat, ngunit dagli itong napalitan ng galit. Tumakbo ako at tumakas mula sa kaguluhan.

            Bagamat ako ay may pasa-pasa, walang nakapansin sa mga ito at  tumuloy parin ako sa klase. Muli, nakalimutan ako ng lahat. Kailan pa naging ganito ang buhay ko? Bakit, parang mali? Patuloy lang dumaloy ang oras sa pagitan ko ang ng mundo.

            Gabi na noong natapos ang aking mga klase.

            Lumabas ako ng paaralan at tumungo sa iskinita. Sa wakas ay makaka-uwi na ako. Gusto ko nang lumayo sa lugar na iyon, ngunit noong patungo na ako sa kanto, mayroong humila sa akin. Madilim doon at hindi ko mawari kung sino siyan g kumapit sa akin, ngunit ang alam ko ay hindi siya nag-iisa. Pagkatapos ay sinimulan niya akong pagsusuntukin. Naramdaman ko ang halos isaang daang kamao sa aking buong katawan. Sa aking huling lakas ay sinubukang kong tumakas. Hinintay ko na tumigil sila ng kahit iasng saglit at tumakbo ako patungo sa labas ng iskinita. Hindi ko na alam kung anong ginagawa ko; ang alam ko lang ay gusto ko nang lumayo sa kanila. Nakalabas na ako ng iskinita, ngunit patuloy parin akong tumakbo papunta sa kalsada.

            Ang bilis ng mga pangyayari, ngunit ang alam ko, narinig ko ang busina ng isang trak at ang pagpreno ng mga gulong.

            Matapos ng ilang segundo, kawalan, puti, itim, apoy, tubig sa iisang tanawin. Malakas na ugong ang aking narinig, at sinira nito ag lahat. Pagkatapos ay natagpuan ko ang aking sarili sa ilalim ng dagat muli, pero ako na ay lumulutang at unti-unting tumutungo sa ibabaw. Ngayon ay niyakap na ako ng ilawag.

            Akala ko tapos na ang lahat.

            Nagising ako sa isang upuan ng kapilya, tila galing sa isang bangungot. Ang amoy ng mga bulaklak ay malalanghap sa buong simbahan. Bumangon ako at nakita ang aking paligid: ako pala'y nasa isang burol. May mga nag-iiyakan. Lumapit ako sa isang nakikiramay para malaman ang nangyari. Sabi niya nabundol raw ang binata ng isang trak.

            Sinilip ko ang binuburol, at sa laking gulat ko, ako ang nasa loob ng kabaong. Nagmadali akong pumunta sa banyo. Kung ako ay nasa kabao, sino ako? Sino ba siya?

             
            Ako nga ba talaga siya?

            Naghilamos ako sa may lababo at pinikit ko ang aking mga mata. Minulat ko ang mga ito at tiningnan ko kung sino ako sa salamin.







            Ako pala si Bruno.

            

Comments

Popular posts from this blog

My own Character - Alapaap