Ang Puno sa may Palaruan (The Tree by the Playground)



                    Hindi mo alam kung kailan darating sa iyong buhay ang iyong mga kaibigan. Nakilala ko siya sa palaruang nasa tabi ng aming tirahan. Tumatangis siya dahil nabitawan niya ang mga lobo at ngayo'y nakasabit sa mga sanga ng puno. Inakyat ko ito at ibinalik sa kanya ang mga lobo. Kami'y lumaking magkasama, doon sa ilalim ng puno sa may palaruan.


                    Hindi mo alam kung kailan kang matututong magmahal. Sabay kaming nag-aral sa Pasig High school. Ako'y nagbinata, at siya'y nagdalaga at saka ko nalang natuklasan na nahulog na pala ako sa kanya. Isang araw, pinapunta ko siya sa palaruang aming pinupuntahan. Inamin ko sa kanya ang aking nararamdaman at tinanggap niya ako, doon sa ilalim ng puno sa may palaruan.


                    Hindi mo malalaman ang tamang panahon, kung wala kang tapang. Pareho kaming nagkolehiyo at kinalauna'y nagkatrabaho. Noong sapat na ang aking ipon, naghanda na ako para sa pag-propose sa kanya. Tinawagan ko siya na pumunta doon sa palaruan na aming pinupuntahan. Ako ay lumuhod sa harapan niya, at inilabas ang isang singsing mula sa aking bulsa. Narinig ko ang matamis niyang oo, doon sa ilalim ng puno sa may palaruan.


                    Hindi mo alam kung gaano karaming biyaya ang ibibigay sa iyo ng Diyos. Kami'y nagkaroon ng tatlong anak na nagpatibay sa aming mag-asawa. Lumaki na sila at nagkaroon na ng sariling mga pamilya. Dumadalaw sila at ang aming mga apo doon sa palaruang tabi ng aming tirahan. Maraming pagpapalang ibinigay sa amin, at ito'y nasaksihan ng puno sa may palaruan.


                    Hindi mo alam kung gaano kasakit mawalan ng tanging kabiyak mo sa mundo. Noong nalaman ko na ang aking mahal ay mayroong stage 4 thyroid cancer, ang mundo ko'y gumunaw. Ngunit sa kabila ng sakit, nagyaya siyang pumunta sa loteng dating nating palaruan at kumain doon. Iyon ang huli naming meriendang magkasama, doon sa ilalim ng puno sa dating palaruan.


                    Hindi mo malalaman kung kailan magtatapos ang tunay na pagmamahal. Ngayong mag-isa na lamang ako, binabalikan ko ang mga panahong kami ay magkasama pa. Hanggang sa dulo, ang aming puso parin ay nag-uugnay. Nilibing siya sa loteng tabi ng aming tirahan. Araw-araw kong dinalaw ang kanyang puntod hanggang sa aking huling hininga, doon sa ilalim ng puno sa dating palaruan.

Comments

Popular posts from this blog

My own Character - Alapaap

Semi-realistic guy drawing